PATULOY na lumalakas ang tsang ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list sa darating na Halalan 2025 matapos itong umangat sa pinakabagong Tangere 2025 Pre-Election Party-List Preferential Survey na ginawa noong isang buwan.
Mula sa ika-14 na puwesto noong Pebrero, pumailanlang ang ABP sa ika-12 posisyon ngayong Marso, habang tumaas ang kanilang voter preference sa 2 percent mula sa dating 1.68 percent.
“Ang pag-angat na ito ay patunay na patuloy na lumalakas ang tiwala ng publiko sa adbokasiya ng ABP para sa mga bumbero at unang tumutugon sa sakuna,” ayon kay Dr. Jose Antonio Ejercito “Ka Pep” Goitia, unang nominado ng ABP.
Ang positibong resulta ng survey ay kasabay ng engrandeng pagbubukas at pagbabasbas ng punong tanggapan ng ABP sa JW Diokno Boulevard, Pasay City noong Biyernes, Marso 21.
Dinaluhan ang kaganapan ng mga pangunahing personalidad sa politika at iba’t ibang sektor, na nagpatibay sa layunin ng ABP na itaguyod ang kapakanan ng mga bumbero at unang tumutugon sa sakuna sa buong bansa.
Kabilang sa mga natatanging panauhin si dating Laguna governor ER Ejercito, na nagbabalik sa politika bilang kandidato sa pagka-alkalde ng bayan ng Pagsanjan.
Kasama niya ang kanyang mga anak—si Maria Guadalupe “Jhulia”, tumatakbo bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna para sa ika-apat na distrito, at si Jorge Antonio Genaro “Jerico”, kandidato sa pagka-bise gobernador ng Laguna.
Sa nasabing event, inihayag ni Ejercito ang suporta nito sa ABP party-list.
Ayon kay ER Ejercito, kumpiyansa siya na makakakuha ang ABP ng tatlong milyong boto mula sa Laguna lamang.
Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang grupo ng adbokasiya at sektor, kabilang ang: Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY-Movement), People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Independencia Pilipinas (LIPI), Isang Bansang Pilipinas (IBP), Kapisanan ng Mamamayang Pilipino (KAMPIL).
Bilang nag-iisang partylist na kumakatawan sa sektor ng mga bumbero, aktibong itinutulak ng ABP ang mga inisyatibang pambatas upang mapabuti ang kalagayan ng mga bumbero. Ilan sa kanilang mga isinusulong ay: Firefighters’ Welfare and Benefits Act – Magpapataas ng sahod, hazard pay, at mga benepisyo sa kalusugan ng mga bumbero; Fire Equipment Modernization Bill – Maglalaan ng pondo para sa modernisasyon ng mga estasyon ng bumbero gamit ang makabagong kagamitan at teknolohiya; Community-Based Fire Prevention Program – Magpapalaganap ng edukasyon sa kaligtasan sa sunog at paghahanda sa sakuna sa antas ng komunidad. (Marisa Son)