Alyansa Thanksgiving party inisnab?

BAKIT isa lang?

Tanging si Senador Lito Lapid lang ang sumipot sa pa-thanksgiving party ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na ipinatawag ni Pangulong Bongbong Marcos, bagamat anim naman ang nanalo sa administration slate sa nakalipas na midterm elections.

Hindi dumalo ang iba pang senator-elect na sina Erwin Tulfo, Ping Lacson, Tito Sotto, Pia Cayetano at Camille Villar sa thanksgiving party ng Alyansa sa headquarters nito sa Mandaluyong City nitong Sabado, ilang oras matapos ang proklamasyon ng Comelec.

“Maraming, maraming salamat sa inyong tulong. Mabuhay kayong lahat,” pahayag ni Lapid sa Alyansa team na tumulong sa kanya para maluklok muli bilang senador. Nasa ika-11 pwesto si Lapid.

Dumating din sa pagdiriwang si Marcos at ang campaign manager na si Navotas Rep. Toby Tiangco.

Sa kanyang pahayag, hinimok ni Marcos ang Alyansa bets na magkaisa at limutin ang hidwaan para na rin sa kabutihan ng buong bansa.

“Sana mas maganda ang naging resulta, pero babawi tayo sa susunod. Panahon na para isantabi ang politika,” sabi ni Marcos.

Bukod sa anim, ang iba pang nanalo ay sina Senador Bong Go, Bato Dela Rosa, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Rodante Marcoleta, at Imee Marcos.