ABP isinusulong mas pinaigting na Fire Prevention Month

KAAKIBAT ng masidhing adhikain na maging mas ligtas ang Pilipinas, nakikiisa ang Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party list sa taunang pagdiriwang ng Fire Prevention month ngayong Marso.

May tema ang pagdiriwang na “Pag-iwas Sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa: “ PARA SA MAS LIGTAS NA PINAS!!!” isinusulong ng ABP party-list ang pagpapaigting ng kampanya para maiwasan ang sunog na sumisira ng kabuhayan.

Dahil dito, patuloy ang ABP sa ginagawa nitong libreng training para sa bawat komunidad at pamilya sa tamang paghahanda at mabilis na pagtugon sa mga emergency katulad ng sunog, lindol, baha at iba pang kalamidad na ginagawa nila sa pag-ikot sa ibat-ibang lugar sa bansa.

“Kailangang magkakabuklod ang bawat Pilipino sa pagtugon na may sapat na kaalaman at kahandaan sa mga kalamidad” ayon kay ABP first nominee Jose Antonio “Ka Pep” Goitia.

Sa mga isinasagawang pagbisita, itinuturo ng grupo ang emergency response drill at tamang paggamit ng fire extinguishers, ayon kay Goitia.

“Mas ligtas pag palaging handa. Ang ABP at ang mga miyembro nito ay walang takot at walang sawang magbibigay ng serbisyo kahit anong oras. Handang rumesponde sa lahat ng emergency” dagdag pa nito.

Layunin ng ABP na binubuo ng koalisyon ng mga bumbero, fire rescuers at volunteers na makapagbigay ng serbisyong walang kapantay sa pagsagip ng buhay.

Itinuturing na isang “apostolic work” ang ginagawa ng mga ito dahil sa nakaambang panganib na maaring makapaglagay sa kapahamakan ang buhay ng isang rumeresponse sa sakuna, partikular na ang sunog, paliwanag pa ni Goitia.

Kaugnay nito layunin ng ABP partylist na ipaglaban ang pagkakaroon ng magandang benepisyo, insurance at medical assistance ng mga miyembro nito.

Bukod sa walang sweldo, maliit lang din ang allowance na natatanggap ng mga fire volunteers.

Samantala, ikinatuwa rin ng grupo ang magandang performance nito sa mga survey.

Sa huling survey ng Tangere, nasa ika-14 pwesto na ang ABP na kinabibilangan din ng mga nominees na sina Lenin Bacud, Jose Mari Antonio Goitia, Carl Gene Moreno Plantado at Howie Quimzon Manga.

Sa survey naman ng OCTA Research nasa ika-24 at 25 na pwesto naman ang grupo. (Marisa Son)