PINANGALANAN na ng BBM-Sara UniTeam ang pito nilang senatorial candidates sa darating na halalan.
Kabilang sa senatorial line-up sina:
* Incumbent Senator Sherwin Gatchalian
* Former presidential spokesperson Harry Roque
* Former Quezon City mayor Herbert Bautista
* Former senator Jinggoy Estrada
* Former Defense Secretary Gibo Teodoro
* Former Public Works Secretary Mark Villar
* Antique Rep. Loren Legarda
Nagbigay din ng plataporma ang mga kandidato sa ginanap na Manila Virtual Caravan nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kasalukuyang namumuno sa Senate basic education committee, ang pangangailangang tulungan ang sektor ng edukasyon na naapektuhan ng coronavirus pandemic. Hinimok niya ang mga lokal na opisyal na tulungan ang mga estudyante at guro sa kani-kanilang lugar.
Samantala, isinusulong ni Roque ang “Free from COVID, free from hunger” initiative sakaling mahalal siya sa Senado. Sinabi niya na isusulong niya ang karapatan ng publiko sa pagkain at malinis na tubig at isang pondo ng kompensasyon para sa mga biktima ng karapatang pantao.
Sinabi naman ni Bautista na isusulong niya ang pagpapalakas ng lokal na pamamahala, pagdaragdag ng Local Government Code at iba pang mga batas na kailangang i-update upang gumana sa isang “21st Century Philippines.”
Para naman kay Estrada, uunahin niya ang pagbibigay ng trabaho para sa mga Pilipino dahil marami ang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa pandemya.
Iginiit naman ni Teodoro na dapat palakasin ang local autonomy—mula sa barangay level hanggang provincial— para mas mabilis na tumugon ang gobyerno sa pangangailangan ng publiko. Dapat ding palakasin ang fiscal at digital infrastructure, gayundin ang kakayahan ng militar at pulisya sa bansa.
Binigyang-diin din ni Villar ang kahalagahan ng pagbuo ng trabaho, sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte na nakapagbigay ng libu-libong trabaho.
Hindi naman nakadalo si Legarda sa online caravan.