BUKOD sa pagtutok sa kapakanan ng mga manggagawa sa bansa, isusulong din ng Pinoy Workers Partylist ang mas mabilis at mas maayos na proseso ng repatriation para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nais makabalik sa Pilipinas.
Ayon kay Franz Fernandez-Legazpi, first nominee ng partido, marami sa ating mga kababayan sa abroad, lalo na sa Middle East, ang nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno.
“Dapat may malinaw at konkretong programa para sa ating OFWs—hindi lang tuwing may krisis kundi sa pang-araw-araw nilang buhay,” ani Fernandez-Legazpi.
Para sa Manggagawang Palaweño
Bilang isang Palaweño, personal na nauunawaan ni Fernandez-Legazpi ang hirap ng mga manggagawa sa malalayong lalawigan. Ipinanganak siya sa Puerto Princesa at lumaki sa isang pamilyang nakatuon sa serbisyo-publiko at edukasyon.
Si Fernandez-Legazpi ay anak nina Judge Leo Legazpi at Prof. Edna Imelda Fernandez-Legazpi, isang batikang guro sa Palawan State University. Ang kanyang kapatid na si Karl “Koko” Legazpi ay naging chief of staff ni House Speaker Martin Romualdez at ngayon ay Commissioner-at-Large ng National Youth Commission.
Nag-aral siya sa Palawan State University bago nagtapos sa University of the Philippines-Diliman. Sa kasalukuyan, tinatapos niya ang kanyang law degree sa parehong unibersidad.
Bukod sa akademya, aktibo rin si Fernandez-Legazpi sa mga programang pangkabataan. Itinatag niya ang Ahon Palaweño, isang organisasyong nagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa Palawan.
Dahil sa kanyang karanasan sa gobyerno, nakita niya mismo ang hirap ng mga manggagawa.
“Kulang ang kita, kulang ang benepisyo, at walang kasiguraduhan ang kinabukasan. Hindi dapat ganito,” diin niya.
Adbokasiya para sa mga Manggagawa
Bukod sa mas mataas na minimum wage, isusulong ng partido ang National Job Seekers Center, unemployment insurance, at Magna Carta for Freelancers upang maprotektahan ang gig workers at kontraktwal na empleyado.
Para kay Fernandez-Legazpi, hindi lang ito laban para sa mas mataas na sahod kundi laban din para sa dignidad ng bawat manggagawa.
“Ang laban ng manggagawa ay laban nating lahat. Sama-sama nating ipaglaban ang mas magandang kinabukasan para sa ating pamilya, para sa ating bayan, para sa Palawan,” ani Fernandez-Legazpi.