SUMURENDER ngayong araw sa National Bureau of Investigation ang TikTok user na nasa likod umano ng planong asasinasyon kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, kinumpirma sa kanya ng isang opisyal ng NBI ang pagsuko ng nagbanta sa buhay ng dating senador.
“I was just on the phone this morning with Deputy Director [Vicente] De Guzman of the NBI. Sumuko na sa kanila ‘yung taong nag-post ng death threat,” ani Rodriguez.
“Ngayon aasikasuhin namin at nang makilala ‘yung taong yan at gaano kalalım at yung extent ng kanilang pananakot,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin na pinayagan nilang lumabas ang TikTokerist dahil wala pang basehan para ikulong ito.
“Babalik siya mamaya,” aniya.
Matatandaan na ibinunyag ng kampo ni Marcos ang umano’y planong pagpatay dito base sa komento sa TikTok.
“We are meeting everyday to plan for BBM’s assassination. Get ready,” ang mababasang mensahe sa isang isang TikTok video.
Bunsod nito inatasan ng Department of Justice ang NBI na imbestigahan ang kaso.
Sinabi naman ng PNP na kakasuhan ang nasa likod ng death threat.