TOP choice ang broadcatser na si Raffy Tulfo sa pagka-senador sa 2022 elections, base sa pinakabagong survey na inilabas ng Social Weather Station.
Lima namang incumbent at reelectionist senators ang nakapasok din sa Magic 12.
Ayon sa survey na kinomisyon ng Stratbase ADR Institute, Inc, 57 porsyento ng mga nasurvey ang sumagot na si Tulfo ang top choice nila.
Nasa ikalawa hanggang ika-apat na pwesto naman sina Sorsogon Governor Chiz Escudero, House Deputy Speaker Loren Legarda, dating Public Works and Highways Secretary Mark Villar, na pare-parehong nakakuha ng 41 porsyento.
Pang-lima si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano (38%) habang nasa ika-anim naman ang reelectionist na si Senador Juan Miguel Zubiri (34%).
Ang dating senador na si Jinggoy Estrada ay nasa ika-pitong pwesto na nakakuha ng 29 porsyento.
Si Senador Francis Pangilinan na tumatakbong bise presidente ay naka ika-walong pwesto (28%) habang tie naman sa ika-siyam at ika-10 pwesto sina Willie Revillame at reelectionist na si Risa Hontiveros na parehong nakakuha ng 25 porsyento.
Nasa ika-11 at ika-12 naman ang mga reelectionists na sina Senador Sherwin Gatchalian at Richard Gordon na kapwa may 21 porsyentong boto.
Ginawa ang survey noong Set.12 hanggang 16 at 1,200 indibidwal ang tinanong para rito.