MASAMA ang loob ni dating Presidential Spokesman Harry Roque sa ibang presidential candidates dahil sa hindi pag-adopt sa kanya bilang kandidato sa senatorial race.
Ayon kay Roque, ayaw siyang i-adopt ng ibang kandidato dahil siya ang dating presidential . spokesperson.
“In fact, mayroon nga akong sama ng loob dyan sa ilang mga presidentiable, akalain ko ia-adopt nila ako pero ang sabi nila, ‘presidential spokesperson ka kasi kaya mahirap kang i-adopt,” ani Roque.
Masama rin ang loob ni Roque sa isang presidential candidate na ipinagtanggol niya noon pero hindi siya isinama sa senatorial slate nito.
“Actually masama ang loob ko talaga doon sa isa kasi noong panahon na siya ay mahirap ang kalagayan, ako lang ang nagsalita para depensahan siya. Ganyan ako talaga maging loyal sa ating mga kaibigan. Maski nag-iisa akong nagsasalita at lahat ng tao ay iniiwasan siya, ginawa ko yun,” ayon kay Roque.
Hindi naman binanggit ni Roque kung sino ang presidential candidate na ito.
“Kaya totoo, masakit ang loob ko sa presidential candidate na yan dahil hindi man lang siya nag-offer na mag-adopt, kung sinu-sino ang in-adopt—‘yung mga taong hindi naman siya tinulungan noong mga panahong walang gustong makipagkaibigan sa kanya.”
Tumatakbo si Roque sa ilalim ng tambalang dating Senador Bongbong Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.