MAS aangat at sisikat ang mga produkto ng bawat rehiyon sa planong pagpapalakas ni Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson sa programang ‘one town, one product’ (OTOP) upang matulungan ang mga nasa sektor ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs).
Bukod sa pagsuporta sa sektor ng agrikultura, matagal na ring isinusulong ni Lacson ang pagtangkilik sa mga produkto at negosyo ng bawat lokalidad. Kaya naman aniya kung siya ang magiging susunod na pangulo ay mas paiigtingin pa niya ang OTOP na hindi lang makakatulong sa MSMEs ngunit maging sa mga magsasaka na supplier ng raw materials.
Sa katatapos lamang na presidential debate, tanging si Lacson ang kumilala sa magandang proyektong ito ng pamahalaan pero sinabi niyang marami pang dapat na pagbutihin sa implementasyon, hindi lamang sa OTOP, ngunit maging sa iba pang mga programa ng gobyerno.
“Napakaraming dapat gawin. ‘Yung sa agrikultura, ‘one town, one product’ na kung saan matutulungan natin ‘yung mga magsasaka,” saad ni Lacson sa tanong kung paano niya masisiguro ang matatag na kabuhayan sa Pilipinas kung siya ang susunod na magiging lider ng bansa.
Ang programang OTOP ay ipinatutupad ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Trade and Industry na naglalayong tulungan ang mga MSME sa buong bansa upang makalikha sila ng mga makabagong produkto na may makabuluhang pagpapaunlad sa kalidad, disenyo o packaging, pati na rin ang pagbebenta nito sa publiko.