Ping: Magising na tayo sa katotohanan

“MAGISING na tayo sa katotohanan.”

Iyan ang apela ni Partido Reporma presidential candidate at Senador Panfilo Lacson sa mga botante sa darating na May 9 elections.

Sa kanyang proclamation rally sa Imus City, Cavite nitong Martes, iginiit ni Lacson na dapat mamili ang mga botante ng mga karapat-dapat na lider na hindi nanakawan ang publiko.

“Ang magnanakaw sa gobyerno wala pong pinipili ’yan. Walang pinipiling nanakawin. Ang ninakaw noon ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Ang ating karapatan para makatikim ng magandang edukasyon. Ang ating karapatan para sa maayos na kalusugan. Ang ating karapatan sa livelihood, sa infrastructure. Walang pinipili,” ayon kay Lacson.

“Ang problema, tayo pa ang namimili sa mga magnanakaw sa atin. Bakit? Binoboto natin sila. Nakapagtataka, bakit binoboto natin ang mismong magnanakaw sa atin?

“’Di ba dapat piliin nating mabuti? Pagdating ng May 9, hindi namin pinagpilitan ang aming sarili pero piliin natin. Kasi ang magsa-suffer, tayo. Anim na taon singkad pagsisisihan natin ang ating ginawa pag nagkamali tayo ng iboboto,” dagdag pa ni Lacson.