PAYO ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa mga botante na tanggapin ang perang ipamimigay ng mga tiwaling politiko ngunit iboto pa rin kung sino ang nasa konsensiya sa darating na 2022 elections.
Naniniwala si Robredo na mas madali ngayon para sa mga politiko ang pagbili ng boto dahil sa tulong ng mga online platforms.
“Mali iyong pagbili boto, pero iyong sinasabi ko sa tao, tanggapin n’yo. Parati kong sinasabi tanggapin n’yo kasi galing ‘yan sa atin. Iyong pinangbibili ng boto, pera rin ‘yan ng taongbayan,” ayon kay Robredo sa online forum na inorganisa ng Kasambahay For Leni.
“Pero tatanggapin mo, pero ang iboboto mo kung sino iyong nasa konsensya mo. Huwag kang boboto dahil pakiramdam mo meron kang utang na loob kasi tinanggap mo,” dagdag pa ni Robredo.
Anya, hindi naman umano malalaman ng mga politiko kung sino ang mga hindi nagsiboto sa kanya kahit nabayaran.