BINATIKOS ni Pasig City Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo si Mayor Vico Sotto matapos ang umano’y pang-iinsulto sa serbisyo ng pamilya Caruncho sa lungsod.
Ayon kay Bernardo, isang palabas lang sa social media ang ginagawa ni Sotto.
“Nakakalungkot na ang Pasig, naging isang pelikula na lamang. Puro palabas,” ayon sa bise-alkalde.
“Nakakalungkot na ngayon pilit na ginagamit ang Internet para matabunan lahat ng pagkakamali at kakulangan sa serbisyo… Parang palabas sa TV. Alam mo ang formula para mapansin, sumikat at pagusapan,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang naka-isolate si Sotto matapos magpositibo sa COVID-19.
Tumatakbo si Bernardo sa pagka-mayor ng Pasig.
“Swerte” umano si Sotto na sumikat siya sa panaho ng social media, ani Bernardo.
“Hindi mo naranasan noong panahon na sinusukat ang eleksyon sa husay ng paglilingkod,” aniya ni Bernardo.
Sinabi ni Bernardo na hindi siya maglalabas ng isang video statement kung hindi siya hayagang punahin ni Sotto sa isang flag ceremony noong nakaraang linggo, kung saan sinabi ng alkalde na ang bise alkalde ng Pasig ay hindi dumalo sa ilang mga kaganapan sa lungsod, kabilang ang pag-turn over ng mga panukala sa badyet ng lungsod.
“Kaya ako magsasalita ngayon ay para proteksyunan ang pangalan ng pamilya Caruncho na pilit mong dinudumihan,” ayon kay Bernardo, apo ng dating Pasig Mayor Emiliano Caruncho Jr.