PARA tuluyang maabot ang taongbayan, binuksan ng Partido Reporma ang call center nito na sasagot ng mga tanong hinggil sa polisiya at plataporma na isinusulong ng partido at ng pambato nito sa presidential elections sa 2022 na si Senador Panfilo Lacson.
Ang call center na bubuuin pansamantala ng 10 hanggang 20 call center agents ay sesentro sa pagbibigay ng impormasyon sa sinoman na magtatanong hinggil sa kandidatura ni Lacson at runningmate nito na si Senate President Vicente Sotto III at mga senatorial bets ng partido.
Ang hotline at info center na binuksan ng partido ay siyang kauna-unahan political call center sa bansa.
“Binuksan natin ang hotline at call center na ito para sagutin ang lahat ng katanungan hinggil sa partido, kay Senator Lacson, sa runningmate niyang si Senador Vicente Sotto III, at sa buo niyang team, at kung ano ang isinusulong nilang plataporma,” ayon sa Membership Division ng partido.
Layunin din ng call center na mapalawak ang impormasyon kung kayat kumuha ito ng mga call center agents na hindi lang marunong magsalita ng Filipino at English kundi maging ng mga local dialects.
Ayon sa partido, multi-lingual ang kapasidad ng mga call center agents na sasagot sa mga inaasahang katanungan na magmumula sa iba’t ibang rehiyon.
Binigyang diin din ng partido na isa sa mga layunin kung bakit ito nagtayo ng hotline at call center ay para magamit din ito bilang hakbang para labanan ang fake news na kumakalat sa social media.