NANINDIGAN si Presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao na ang pamimigay niya ng tulong sa mahihirap tuwing nagtutungo siya sa mga probinsiya ay hindi isang uri ng vote buying.
Ito ang ipinagdiinan ni Pacquiao nang magtungo ito Huwebes sa Cebu sa kabila ng mga akusasyon na namimili siya ng boto para sa darating na 2022 elections.
Anya, matagal na niya itong ginagawa tuwing nagpupunta siya sa iba’t ibang parte ng bansa para alamin ang kalagayan ng publiko.
Gayunman, ihihinto na umano niya ito sa sandaling mag-umpisa na ang campaign period sa Pebrero.
“Hindi pamimili ito, tulong ko talaga ito mula pa noon hanggang ngayon. Nagkataon lang na ano. Ihinto lang ito pagstart na ng campaigning ng February 8. Pero habang wala pang campaign period, pwede pa tayong tumulong, tulong tayo wag tayong mainggit, maraming taong nagugutom, maraming taong nanganagailangan ng tulong,” paliwanag ng senador.