PINABULAANAN ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang alegasyon na bayad ng P500 ang mga dumalo sa kanyang rally sa General Trias, Cavite nitong Biyernes.
Naunang sinabi ni Cavite 7th District Rep. Boying Remulla na binayaran ng P500 ang mga dumalo sa campaign rally ni Robredo.
Sinabi ni Barry Gutierrez, spokesperson ni Robredo, na hindi totoo ito at sa katunayan ay marami sa mga dumalo ang naglakad patungo sa venue.
“‘Yung pagpunta doon sa mga venue, talagang ‘yung mga tao ay naglalakad, talagang sila ang nagkukusang magpunta diyan. Walang kahakot-hakot sa mga rally na ito,” ani Gutierrez.
“Ang hirap kasi sa ibang mga politiko, siguro nakagawian na nila na doon sa mga rally nila talagang hakot ang kailangan nilang gawin para magkatao. So iniisip nila, ‘yun lang ang tanging paraan para magkaroon ng tao sa isang political rally,” dagdag pa niya.