BINAWI na ng beteranong broadcaster na si Noli de Castro ang kanyang kandidatura sa pagkasenador.
“Isinumite ko ang aking kandidatura sa Comelec noong Biyernes. Ngunit nagkaroon ng pagbabago ang aking plano,” anunsyo ni De Castro Miyerkoles.
“Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag,” dagdag pa nito.
Nagsumite ng kanyang kandidatura si De Castro sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko na nagsusulong ng presidential bid ni Manila Mayor Isko Moreno.
Bago naging vice president noong 2004, unang tumakbo at nanguna sa senatorial race si De Castro noong 2001.
Matapos ang katungkulan, bumalik ito sa pagiging broadcaster sa TV Patrol noong 2010.