Narito ang mga ginawa ni Isko Moreno; E, ‘yung kandidato n’yo?

ELEKSYON na sa Lunes. Ito lang ang katangi-tanging panahon kung saan lahat tayo ay pantay-pantay, dahil tig-iisang boto lang ang meron tayo.

Mayaman o mahirap, matalino o mangmang, anuman ang kasarian, tig-iisa lang ang boto ng bawat isa sa atin sa araw ng eleksyon.

Sa ganang akin, buong-pagmamalaki kong idinedeklara na si Mayor isko Moreno ang aking ibobotong Presidente.

Hindi dahil lang uso siya o nababalitang malakas na kandidato. Iboboto ko siya dahil natitiyak kong may mga ginawa na siya at marami pang magagawa dahil hindi lamang siya bata, mabilis kumilos at nauuna sa problema at higit sa lahat, may resibo na. Alam kong hindi ako mapapahiya at hindi ako mahihiyang ideklara kahit kanino na siya ang iboboto ko dahil kaya kong magbigay ng sandamakmak na dahilan kung bakit.

Narito ang ilan lamang sa kanyang mga nagawa sa loob lamang ng dalawang taon: trabaho para sa mga senior citizens at persons with disability o PWDs; paglilinis ng mga bangketa at Divisoria; P1,000 buwanang allowance ng mga estudyante sa mga unibersidad ng lungsod; P500 buwanang allowance sa mga estudyante ng K12 , senior citizens, solo parents at PWDs; birthday cakes, vitamins at Ensure na gatas para sa mga senior citizens; nagtayo ng 344-bed capacity Manila COVID-19 Field Hospital.; nagtatag ng bago, modern at libreng Dialysis Center sa Sta. Ana Hospital at sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center na pinakamalaki sa buong Southeast Asia; bumili ng mga “world-class” na medical equipments.

Nagtayo ng mga mass housing tulad ng Tondominuim 1 & 2, Binondominuim, Basecommunity, San Lazaro Residences, Pedro Gil Residences at San Sebastian Residences; nagtayo ng mga modernong pampublikong paaralan tulad ng Almario Elementary School, Dr.Albert High School at Manila Science High School; nagpatupad ng General Tax Amnesty Program; lumikha ng Business One Stop Shop (BOSS); nagtayo ng kauna-unahang Manila Muslim Cemetery; nagpagawa ng New Manila Zoo at New Ospital ng Maynila; pinailawan ang mga kalye at parke; naglagay ng Solar Road Studs.

Isinagawa ang redevelopment ng Jones Bridge, Hidden Garden, City Hall (Lagusnilad) Underpass, Kartilya ng Katipunan at Mehan Garden, Arroceros Forest Park at Moriones Park.

Sa gitna naman ng pandemya, narito ang mga ginawa ni Mayor Isko: nagpatupad ng Manila Food Security Program sa loob ng walong buwan; namigay ng laptop sa 10,000 guro sa pampublikong paaralan at 110,000 tablets para sa mga estudyante na may kasama pang libreng WiFi; nagtayo ng kauna-unahang Manila C0VÏD-19 Vaccine Storage Facility; Manila Infectious Disease Control Center; mga Quarantine Facility na may 883 bed capacity; RT-PCR Molecular Laboratory sa Sta. Ana Hospital; libreng mass RT-PCR o swab testing sa mga taga-Maynila at maging sa mga hindi taga-Maynila; naglagay ng libreng Drive- Thru Swab Testing at vaccination sa Quirino Grandstand.; bumili ng sariling bakuna tulad ng 800,000 doses ng AstraZeneca at 400,000 doses ng Sinovac; .lumikha ng 27 Vaccination sites sa Maynila at website na manilacovid19vaccine.com para sa mabilisang bakunahan.

Namigay ng COVID-19 Senior Supplemental Kit; bumili ng Remdesivir, Baricitinib, Molnupiravir, Bexovid at Tocilizumab na mga mamahaling gamot laban sa COVID para ipamigay nang libre sa mga pasyenteng nangangailangan, maging sa mga hindi taga-Maynila; ipinatupad at ibinigay ang COVID-19 hazard pay sa mga frontliners at healthworkers; nagbigay ng may 491 silid na matutuluyan sa lahat ng frontliners at healthworkers sa Maynila at nagtayo ng Manila Covid-19 Field Hospital na may 344-bed capacity at hanggang ngayon ay nagbibigay ng libreng serbisyo hindi lamang sat aga-Maynila kungdi maging sa mga hindi taga-Maynila.

Ibinigay ni Yorme ang kanyang P1 million na talent fee mula sa isang produkto at P5 million mula sa JAG Group sa PGH children’s cancer ward; ang talent fee niya bilang model ni Vicky Belo at C-Lium na nagkakahalaga ng P5 milyon ay ibinigay niya bilang donasyon sa mga biktima ng North Cotabato earthquake.

Gayundin, ibinigay rin niya bilang donasyon sa Batangas ang P2 milyon talent fee bilang modelo sa isang produkto at ang talent fee ni Yorme bilang endorser ng Chooks to Go ay ibinigay niya rin sa kawanggawa.

Ang kanyang talent fee na P4 million mula sa JAG Jeans ay ibinigay rin niya para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Kay Isko Moreno lang din tayo nakatitiyak ng peace of mind at mapayapang susunod na anim na taon dahil hindi siya kasama sa awayan ng kampo ng mga Marcos at Aquino na 35 taon nang namamayani sa ating bansa.

Inuulit ko, minsan lang tayo magkakaroon ng pantay-pantay na karapatan at ‘yan ay ang pagboto tuwing halalan. Kaya sana naman, gamitin natin ito sa tama at gamitan ng utak. Kung wala kang mailahad na kongkretong nagawa at gagawin ng iyong ibobotong kandidato, huwag ka lang bumoto ay nakatulong ka na.


DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]