PORMAL na ikinasa ang tambalang Marcos-Sara sa 2022, nang magsama sina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte sa isang caravan na inorganisa ng kanilang mga supporters at kaalyado sa Davao del Norte nitong Linggo.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makita ang dalawa na magkasama at pangunahan ang isang caravan na nagsusulong ng kanilang kandidatura para sa nalalapit na halalan.
Si Marcos Jr ng Partido Federal ng Pilipinas ay tumatakbong pangulo habang si Duterte naman ay tumatakbong bise-presidente mula sa Lakas-Christian Muslim Democrats.
Labis naman ikinatuwa ni House Majority Leader and Leyte Rep. Martin G. Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD, ang matinding suporta at pagtanggap sa tambalan ng magtungo ang mga ito sa Davao del Norte nitong Linggo.
Nagsimula ang caravan sa Barangay Guadalupe sa Carmen, Davao del Norte at tumuloy hanggang Guadalupe Bridge, Libuganon Bridge, Magdum Curvada, Palengke, Sobrecarey, Roxas Palengke, Quezon, Abad Santos, Rizal, Pioneer, at Highway Lapu-Lapu Street.