HINDI nagugustuhan ng veteran showbiz columnist na si Lolit Solis kung paano iendorso ng karamihan sa mga celebrities si presidential candidate Vice President Leni Robredo.
Sa Instagram, sinabi ni Lolit na “hardshell” kung paano i-flex ng mga nasabing celebrities si Robredo na parang ito ang sagot sa lahat ng problema ng bayan.
“Siguro ang laking pressure kay VP Leni Robledo iyon mga sinasabi ng mga followers niya. Kasi nga lalo na iyon mga stars for Leni pag nagsalita, parang lahat ng problema maayos pag si Leni na ang nakaupo,” ani Lolit.
“Sobrang hard sell na mga salita na para bang lahat ng problema, kayang kaya ni Leni. Siyempre dahil iyan ang sinasabi nila, iyan nang aasahan mo pag nakaupo na si Leni,” dagdag niya.
“Maganda kung talagang magagawa, ang nakakatakot, pag hindi ito natupad at nabigo ka sa inaasahan mo sa administrasyon Leni Robledo, paano na?” sey pa ng kolumnista.
Ipinunto rin niya na walang super powers si Robredo para bigyan ng solusyon ang lahat ng mga problema ng bawat Pilipino.
“Hindi naman siguro ganuon lang kadali ang lahat, at hindi rin naman Wonder Woman, o Super Girl si Leni. Kaya kailangan huwag masyado kung ano ano ang sinasabi na gagawin niya, o magagawa, dahil pressure ito para kay Leni Robledo,” paliwanag niya.
Payo niya sa mga celebrities na masayadong bilib sa bise presidente: “Maging practical lang at huwag sobrang hard-sell, huwag mag promise ng sobra baka asahan at mabigo ang tao. Hinay hinay lang, huwag sobrang hardcore. Basta asahan ang pagbabago, iyon lang. Pag sobra, hindi rin maganda.”