ISINIWALAT ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo na hindi siya politiko na napaliligiran ng crew na susundin lahat ng kanyang utos kapag nasa bahay siya.
“Ang family life namin napakaordinaryo, walang kino-consider na politiko sa bahay. Pagdating namin sa bahay, lahat kami gumagawa ng trabahong pambahay, lahat kami nagluluto, naglilinis,” aniya sa isang panayam sa Oriental Mindoro.
“Tingin ko kasi mahalaga ito sa public officials. Tingin ko mahalaga sa public officials na nare-retain niya ‘yung pagkaordinaryo niya kasi ‘yung pagka-ordinaryo niya, iyon ‘yung humuhubog sa kanyang karakter,” aniya.
Samantala, sinabi ni Robredo na dedma silang mag-iina sa mga ikinakabit sa kanya na “bobo, lutang, kung anu-ano” ng mga supporters ng isang kalabang kandidato.
“Hindi kami apektado. Sabi ko nga luging-lugi sa amin ‘yung mga trolls kasi hindi naman namin sila pinapansin,” sabi niya.
“Kapag ang katotohanan kakampi mo, wala kang dapat ikabahala,” dagdag niya.