INANUNSYO ni presidential candidate Vice President Leni Robredo na hindi siya makadadalo sa panel interview ng Commission on Elections dahil magiging abala siya sa mga kampanya lalo at 10 araw na lang ay halalan na.
Pero hinamon naman ni Robredo ang katunggali na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos sa debate dahil hindi pa niya ito nakakaharap.
“Isang kandidato na lang ang hindi pa humaharap sa taumbayan sa isang debate kasama ang lahat ng ibang kandidato. Mahalaga sana ito para masuri kami ng publiko, at para marinig nila at mapagkumpara ang vision at pagkatao namin,” ani Robredo.
“Inaanyayahan ko si Ginoong Bongbong Marcos na makipagdebate para mabigyan ang taumbayan ng pagkakataong makaharap siya at matanong tungkol sa mga kontrobersiyang pumapalibot sa kanya.” dagdag ng bise presidente.
Aniya, si Marcos ang bahala kung kailan at saan sila maghaharap.
“We owe it to the people and to our country. Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako,” dagdag ni Robredo.
Pero walang magaganap na debate sa pagitan ni Robredo at Marcos Jr., ang siya namang paniniyak ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman at chief of staff ng presidential frontrunner.
“Nauunawaan ko ang kabiguang naramdaman ni Ginang Robredo na makaharap sa isang pagtatalo at bangayan si presidential frontrunner na si Bongbong Marcos.
“Maaari po na silang dalawa, na parehong naghangad na maging pangulo ng republika, ay magkaiba ng paniniwala hinggil sa pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mamamayan.
‘Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos. At derecho sa taumbayan ang mga mensahe nito at ang panawagan ng pagkakisa. Pawan mga negatibo, panlilinlang at paninira naman ang sa kampo ng dilawan.
“Sa panahon ng krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya ay malaking ginhawa marahil sa naghihirap na mamamayan ang makitang kalmado lang na nangangampanya at hindi nag-aaway at nagsisiraan ang mga taong naghahangad na mamuno sa bansa.
“Sa debate na hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari sa ilang kadahilanan. At batid ni Ginang Robredo ang mga kadahilanang ‘yan.”