DAPAT managot si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa ill-gotten wealth ng ama nitong si Ferdinand Marcos, ayon kay presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.
“Kung ang anak ay nakikinabang sa kasalanan ng ama, he is as guilty eh. Yung issue ni Marcos corruption, hidden wealth, at pagnanakaw. Pag ikaw nakikinabang sa very act na hinuhusgahan yung tatay mo, kailangan ka rin husgahan,” sinabi ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na hindi na kailangang umamin ng dating senador dahil napatunayan na ang mga alegasyon sa korte.
“Hindi naman niya kailangan aminin. Maraming kaso decided already with finality na saying itong mga paratang sa pamilya nila nangyari talaga,” ani Robredo.
Ayon pa sa bise presidente, kahit sino pa ang sangkot dito ay kailangang managot sa batas.
“Ako sa akin, parati sa akin rule of law, whether si Imelda Marcos yan o kung sino pa man na tao, kung ano ang sinasabi ng batas kailangan sundin,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ng kampo ni Marcos Jr. na layunin ni Robredo na siraan ang mga kalaban at hindi pagsilbihan ang bansa.
“Wala na po kaming magagawa kung pinatutunayan lamang niya ang kanyang sinabi noon na ang kanyang pagtakbo ay hindi upang maglingkod sa bayan kundi upang siraan lamang ang kanyang kalaban na napupusuan ng nakararaming mamamayan,” ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni BBM.