Leila De Lima ‘pinatay’ sa YouTube

ITINANGGI ng kampo ni Sen. Leila de Lima na sumakabilang-buhay na ito taliwas sa ipinalalabas sa isang viral YouTube video na namayapa na ang senador sa loob ng kulungan.

Ayon sa campaign manager ni de Lima na si Fhillip Sawali, isang fake news ang balitang namatay na ang senadora.

“The senator is alive and well. In fact, she was just interviewed by three media outlets yesterday at the PNP Custodial Center, Camp Crame,” ani Sawali.

Mapapanood sa video ang mga imahe ni de Lima habang maririnig ang narrator na sinasabing “viral at nagte-trending” sa social media ang pagyao ng senadora.

Hindi naman sinabi ng narrator kung saan niya nakuha ang balita o kung may katotohanan ito.

Nakadetine si de Lima sa Camp Crame mula pa noong 2017 dahil sa umano’y kaugnayan niya sa pagkalat ng droga sa New Bilibid Prison.

Muli siyang tumatakbo sa pagkasenador sa tiket ni VP Leni Robredo.