HINDI pakakabog sa mga naglalabasang survey ranking ang pambato ng Partido Reporma sa presidential race na si Senador Panfilo Lacson.
Masyado pang maaga para magpadala sa mga naglalabasang survey tungkol sa presidential preference ng publiko, ayon kay Lacson sa panayam nito sa dzRH Martes ng umaga.
Ayon pa kay Lacson hindi kailangan makaapekto ang mga survey sa direksyon na gusto niyang tahakin habang papalapit ang halalan.
Wala rin anyang dahilan para siya mag-alala sa standing niya sa mga nasabing survey lalo pa’t iba-iba ang resulta nito at mahaba pa ang panahon bago ang aktwal at totoong pagpupulso sa taongbayan.
“Hindi naman kami nag-aalala kasi ‘yung takbo naman ng kampanya tuloy-tuloy, saka napakaraming surveys na lumalabas, iba-iba naman ‘yung resulta rin, iba-iba ‘yung mga numero. So, focus lang, ganoon lang ang ginagawa namin. Hindi kami na-di-distract,” paliwanag ni Lacson.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, nasa ika-pitong pwesto si Lacson sa presidential preference. Nanguna sa nasabing survey si Davao City Mayor Sara Duterte at sinundan ni dating Senador Bongbong Marcos, Manila Mayor Isko Moreno.
Nasa ika-apat na pwesto si Senador Manny Pacquiao habang panglima naman si Senador Grace Poe at ika-anim naman si Vice President Leni Robredo.