PINAYUHAN ni Kris Aquino ang mga botante na dumalo sa campaign rally ni presidential candidate Leni Robredo sa Capas, Tarlac nitong Miyerkules, na huwag iboto si Herbert Bautista dahil wala itong isang salita.
Matapos ang maiksing speech, tinawag ni Kris ang kanyang kaibigang si Angel Locsin, isa pang self-confessed kakampink.
Bati ni Angel sa audience: “Kahit umuulan, uma-attend (kayo). Rain or shine, walang excuse, lumalabas. ‘Yun naman gusto natin sa isang tao, di po ba?”
“Kapag hahanap ka ng kaibigan, karelasyon, kailangan laging nandyan para sa iyo, hindi tuwing eleksyon lang,” dagdag ni Angel.
“Gel, pinatatamaan mo yata ako diyan. Aray. Ouch,” hirit naman ni Kris.
“Ate, palagi ka lumalabas tuwing may sakuna kagaya ni VP Leni,” paliwanag naman ng aktres.
“Hindi, ‘yung sinabi mo, may karelasyon,” pagkaklaro ni Kris.
“Nandito ba siya?” tanong naman ni Angel.
“Yung isa nasa Uniteam, ‘yung ex,” sey uli ni Kris. “O, wag niyo iboto ‘yun, ha. Sayang ang boto dahil di marunong tumupad sa mga pinangako. Deadma please.”
Kahit hindi pangalanan, ang tinutukoy na ex ni Kris ay si Herbert Bautista na tumatakbong senador sa tiket ng Uniteam nina Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio.
“Baka may masabi akong masama tungkol dun sa isa pa,” dagdag ni Kris na ang pinatatamaan naman ay si Robin Padilla, na tumatakbo ring senador.