Ka Leody: Manggagawa ‘wag pasahurin ng slavery wage

NANINDIGAN ang labor leader at presidential candidate na si Ka Leody na dapat iangat ang sahod ng mga manggagawa, ang sektor na lumilikha ng kaunlaran sa bansa.

Sa isinagawang presidential debate na inorganisa ng CNN Philippines sa University of Santo Tomas, tinanong si de Guzman at maging si Senador Manny Pacquiao sa kung anong halaga ang dapat tinatanggap ng arawang mangagagawa.

Sina de Guzman at Pacquiao ang nagsusulong ng across the board wage increase sa bansa.

Panukala ni Pacquiao dapat at P750 habang si de Guzman naman ay P700 hanggang P800. Kasalukuyang nakapako sa P537 ang minimum wage ngayon.

Ngunit tinanong naman ng isa pang kandidato na si Jose Montemayor Jr., na isang doktor, si de Guzman kung ikinokonsidera ba nitong kaaway ang mga employers na nagpapasahod sa mga mangggagawa.

“I have a question to Ka Leody, kayo po ba — ako I am pro-labor — kayo po ba iniisip niyo rin ‘yong mga employers? Kasi po you have to balance it ano, gusto niyo ba sa pagtaas ng kanilang wages, parang kinakagat niyo na ang kamay na nagpapakain sa inyo?” ani Montemayor.

“So ang ibig sabihin in being a pro-labor, hindi niyo ba ini-infringe din ang right ng mga employers? Do you also mind people who are owning these companies?” dagdag pa nito.

Ayon kay de Guzman, na isang lider-manggagawa, na may mga business owners din ang nagsusulong din na maitaas ang sweldo ng mga workers. Iginiit din niya na dapat bigyan ng sweldo ang mga manggagawa na hindi parang mga alipin.

“Nasa isip natin ‘yan, na kailangan natin — lalo na ‘yong mga micro, small, and medium enterprises — nasa isip natin ‘yan. Pero ang gusto nating sabihin ba ay patuloy nating pahirapan ‘yong ating mga manggagawa, pasahurin ng slavery wage, gano’n?” aniya
.
“Gusto ba nating patuloy na alipinin ‘yong ating mga manggagawa na siyang lumilikha ng kaunalaran ng ating bayan? Bakit hindi natin ibigay sa ating mga manggagawa ang tamang pasahod na dapat nilang tanggapin,” dagdag pa ni De Guzman.

“Huwag nating gawin na ‘yong ating mga manggagawa na maging miserable ang buhay, ‘wag nating purihin lang ang ating manggagawa na sila’y bayani tuwing Mayo Uno. Lagyan natin ng konkretong tulong ‘yong ating mga manggagawa nang sa gayo’y magkaroon ng dignidad ‘yong ating mga manggawa,” he added.