Ka Leody: Imee Marcos hindi nakaranas ng buhay manggagawa

BINATIKOS ni presidential aspirant Ka Leody De Guzman si Senador Imee Marcos matapos nitong ilabas ang video na sinasabing “lying or stupid” ang mga manggagawang nagtatrabaho ng 18 oras sa isang araw.

Nag-trending si Marcos sa social media bunsod sa kontrobersyal nitong pahayag sa inilabas niyang “kape serye” video na inookray ang kasambahay na nagngangalang Len-len dahil sa pagtatrabaho ng 18 oras kada araw.

Kaliwa’t kanang batikos ang inani ng senador dahil sa patutsada nito sa mga taong nagtatrabaho ng 18 oras kada araw.

“Anyone who claims to work 18 hours a day is either lying or stupid,” ayon kay Marcos na hindi nagustuhan ng maraming nagtatrabaho, kabilang na si De Guzman.

Ayon kay De Guzman na ang pahayag ni Marcos ay patunay lang na hindi nito naranasan ang buhay manggagawa.

“Sinabi ni Imee na ‘lying’ or ‘stupid’ daw yun nagsasabing nagtatrabaho sila ng 18 oras kada araw. Malamang nasabi niya ito dahil hindi niya naranasan ang pagiging manggagawa. Hindi rin siya nakalinga ng karaniwang ina na may double burden ng gawaing bahay bukod sa pagtatrabaho,” ayon sa kandidato.

Dahil sa mababang sahod, maraming manggagawang Pilipino ang kumukuha ng mga side job para matugunan ang kanilang mga pangangailangan, aniya.

Itinutulak ni De Guzman ang reporma sa batas sa paggawa, partikular ang tungkol sa regular na oras ng trabaho.

“Ang kompanya na may 24 hours operation at pinatatakbo ng tatlong eight-hour shifts ay maaaring paandarin ng apat na six-hour shifts, nang walang kabawasan sa sweldo,” sinabi ni De Guzman.

“Sa pag-unlad ng teknolohiya, dapat nadadagdagan ang oras na kontrolado ng tao ang kanyang buhay. Hindi tayo karugtong ng makina o mga simpleng kasangkapan sa operasyon ng kompanya,” dagdag pa niya.