BINAWI ng isang volunteer group sa Visayas ang suportang ibinigay nito sa presidential candidate na si Manila Mayor Isko Moreno.
Nagdesisyon ang grupong Ikaw Muna Cebu Chapter, isang national volunteer organizing network para kay Moreno, na si Vice President Leni Robredo na lamang ang kanilang susuportahan sa darating na halalan.
Naniniwala ang grupo na si Robredo lamang ang makakaharang sa posibleng pagbabalik sa Malacanang ng mga Marcos.
Sa isang kalatas, sinabi ng Ikaw Muna Cebu Chapter na nais nilang makatiyak na ang bansa ay hindi pamumunuan ni dating Senador Bongbong Marcos.
“We wanted to ensure that the country will not be run by an incompetent, unqualified and law-breaking Bongbong Marcos that has no outstanding track record in public service to speak of,” sabi sa kalatas.
Paliwanag ng convenor ng grupo na si Nick Malazarte, nagdesisyon silang mag-switch kay Leni dahil “we considered the welfare of the nation rather than their own personal interest, credibility and loyalty to a particular person.”