NANGAKO si Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na ipatutupad din sa buong bansa ang housing projects na ginawa niya sa Maynila.
Sa pakikipag-usap niya sa mga residente at community leaders sa Material and Recovery Facility sa Payatas, Quezon City nitong Sabado, tiniyak din ni Moreno na mabibigyan ng ibayong pansin ang mga anak ng mga informal settlers sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaledad na edukasyon habang ang kanilang mga magulang ay may maayos na trabaho at kita.
“Kapag ako ay sinuwerte, kung anong ginawa ko sa Maynila na pabahay ganun din ang gagawin ko sa buong bansa. Maibalik lang ang dignidad sa pamumuhay ng mahirap. Ang maibibigay ko sa inyo kapanatagan ng buhay maitawid lang kayo,” pahayag ni Moreno.
Ilan sa ipinagmamalaking proyekto ng Maynila ay ang housing projects nito para sa mga informal settlers. Nito lang Hulyo, may 229 townhouse-style units ang ipinamahagi sa mga residente ng Baseco, Tondo.
Inaasahan na ang tatlong vertical housing projects na Tondominium 1, Tondominium 2, and Binondominium ay maipamamahagi bago pa matapos ang taon. May ilan pang vertical housing projects ang ikinakasa sa Pedro Gil at San Sebastian Residences.