NANGUNGUNA si Aksyon Demokratiko standard-bearer at Manila Mayor Isko Moreno sa presidential survey na inilabas kamakailan ng RP-Mission and Development Foundation, Inc.
Nakakuha ng voter preference na 25.39 percent si Moreno na sinundan naman ni dating Senador Bongbong Marcos na nakapagtala ng 23.10 percent.
Nasa ikatlong pwesto si Vice President Leni Robredo na malaki ang iniangat mula sa dating 6.51 percent noong Agosto ay nakapagtala ng 18.31 percent sa isinagawang survey nitong nakalipas na Oct. 17 hanggang 26.
Mahigit sa 10,000 katao diumano ang tinanong para sa nasabing survey.
Nasa ika-apat na pwesto naman si Senador Manny Pacquiao na nakakuha ng 17.88 percent na sinundan naman ni Senador Panfilo Lacson na nakapagtala ng 7.08 percent.
Nasa ika-anim naman ang pambato ng administrasyon na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nakakuha lamang ng 3.41%.