Imee inis sa ‘#MarcosDuwag’; pinayuhan si Bongbong na makipag-debate

PINAYUHAN ni Senador Imee Marcos ang kapatid niyang si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos na dumalo sa nalalapit na debate na inorganisa ng Commission on Elections.

Sa panayam kay Imee sa radio station DWIZ, ipinagtanggol din nito ang kapatid sa mga nagsasabi na duwag si Bongbong.

“Naiinis ako dun sa hashtag #MarcosDuwag,” bungad ni Imee kasabay ang sabi na magaling naman umano si Bongbong.

“Hindi naman duwag ang kapatid ko. At sa pakiwari ko ay kayang-kaya niyang sagutin ‘yun. Yun pa. Magaling naman ang kapatid ko,” giit pa nito.

Inamin din nito na nasasaktan ang kanyang kapatid tuwing binabanatan siya.

“Sensitive yan, at nasasaktan yan. Mabait ang kapatid ko,” pahayag pa ng senadora.

Kaya nga ang payo niya ay dumalo ito sa debate ng Comelec at sagutin ang lahat ng tanong at akusasyon laban sa kanya.

“For me, kahit hindi puntahan lahat, pumunta ka. Dapat transparent din, accountable, responsible, open at accessible ang isang kandidato,” paliwanag ni Imee.