ABSENT si presidential candidate at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pinakahuling presidential debate nitong Linggo.
Sa kasabay nito, nagkaisa ang siyam sa 10 na tumatakbo sa pagkapangulo na mahalaga ang presidential debates, matapos silang tanungin ng CNN Philippines na siyang nag-organisa ng programa.
Naniniwala si Ka Leody de Guzman na mahalaga ito “para malaman ng bansa, botante kung ano ang plataporma” ng bawat kandidato.
Ayon naman kay Manila Mayor Isko Moreno na “Napakahalaga po. Ang mga nanonood ngayon, kayo po ang HR Department, kami ang aplikante sa trabaho. Gusto mo bang mag-hire ng aplikante na hindi mo nakita? I think ang mga kababayan natin may karapatang marinig ang mga layunin ng ating kapwa-kandidato. You deserve to know.”
Pahayag naman ni Senador Manny Pacquiao na mahalaga ang debate “para makita natin ang sinseridad ng isang tumatakbo, purity ng kaniyang puso. Sa eleksyon, maraming nagpapanggap. Maipapahayag mo ang plano mo sa bansa.”
Ayon naman kay Vice President Leni Robredo: “Pagkakataon ito para marinig ang aming mga plano. Level ang playing field dito. Ito ang pagkakataon ng taong-bayan na suriin ang aming demeanor, track record. You should show up during the most difficult times. Kung hindi, hindi ka leader.”
Naniniwala naman si presidential candidate Ernesto Abella na mahalaga ito para “marinig natin kung saan nanggagaling ang tao. Mahalaga po talaga na magkaharap tayo para mailatag makita ang ating mga plano. Hindi naman po ito power-play. It’s a question of respecting one another, respecting the electorate, and respecting our points of view.”