TRENDING sa social media ang senatorial candidate na si Luke Espiritu matapos ang panonopla nito sa kontrobersyal na abogadong si Larry Gadon at dating presidential spokesman Harry Roque sa nakaraang senatorial debate na inorganisa ng SMNI.
Sinupalpal ni Espiritu, abogado at pambato ng Partido Lakas ng Masa, si Gadon at Roque nang pag-usapan ang isyu ng martial law at pamilya Marcos.
Bago ito, tinanong ang mga senatorial bets tungkol sa juvenile justice at welfare act, at dito binanatan ni Gadon, senatorial bet ng tambalang Ferdinand “Bonbong” Marcos Jr at Sara Duterte, ang Simbahang Katolika dahil sa pagkontra nito sa martial law.
Nang si Espiritu na ang binigyan ng pagkakataon para magsalita at isa-isahin ang mga pang-aabuso na ginawa noong panahon ng martial law, biglang sumabat si Gadon, na dali-dali namang binalikan at tinalakan ng senatorial bet sa ilalim ng partido ng presidential candidate na si Ka Leody de Guzman.
“Binuksan mo ang usapan, ‘wag mo ‘ko pagbawalan. I go for the record, Amnesty International, 3257 ang pinatay no’ng panahon ni Marcos. It’s my time ‘wag kang (Gadon) bastos. 35,000 ang tinorture, 70,000 ang kinulong. It’s a matter of record,” pahayag ni Espiritu.
Pagkatapos nito ay tinumbok naman ni Espiritu si Roque na todo depensa kay Marcos.
“Kung anomang nangyari sa nakaraan, inisa-isa ko po ang records, wala pong kaso for human rights violations sa Amerika si Ferdinand Marcos Jr. Inisa-isa ko rin po ang mga kaso na decided ng ating Philippine Supreme Court, totoo po, co-administrator si Ferdinand “Bongbong” Marcos wala pong kaso na siya mismo ang nagnakaw,” ani Roque.
Sinagot naan agad ito ni Espiritu: “With all due respect to Atty. Harry Roque, I know your history. You were anti-Marcos before, you were for human rights before. You spent your life against the Marcoses, you worked for human rights. And now that you were given a Senate spot under the party of Bongbong Marcos, now you cry Hallelujah and praise Marcos.”