“Maganda na bukod sa regulated, gawin nating organized, huwag maging indiscriminate, kasi sa ngayon kanya-kanyang tapunan ng lebentador, kaya maraming aksidente, minsan may namamatay.”
– Panfilo “Ping” Lacson
ITO ang nakikitang solusyon nina Partido Reporma standard bearer Panfilo Lacson at running mate na si Vicente Sotto III sa problemang kinakaharap ng mga nasa fireworks industry sa lalawigan ng Bulacan sa pagdayo ng Online Kumustahan (OK) sa lalawigan.
“Sa ibang bansa mas magandang pangitain na organized, bawat lugar merong napapanood, halimbawa dito sa bayan dito sa bulacan, sa San Rafael, nanonood mga tao at nag-eenjoy, pero safe kasi lahat ng safety nets nandoon, pareho rin ang level ng enjoyment,” banggit pa ni Lacson.
Bago ang OK event sa Brgy. Tambubong sa San Rafael, Bulacan, ang Lacson-Sotto tandem ay humarap na muna sa media para magbigay ng kanilang mga katugunan sa mga isyung umaapekto sa iba’t ibang sektor sa lalawigan.
Ang Bulacan ay dating nagsisilbing fireworks capital ng bansa dahil sa masiglang bentahan nito sa tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon pero unti-unti itong nanghina hanggang sa maglupasay bunga ng pagdagsa ng mga inangkat na sinasabing mas ligtas gamitin.
Nasa 500 ang negosyong nauugnay sa nabanggit na industriya na pinagkukunan ng ikabubuhay ng maraming residente ng lalawigan, kung saan, sinasabing ito ay inumpisahan ng pamilya Sta. Maria noong 1800 at lumaganap sa mga katabing bayan ng Bocaue, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, Norzagaray at Angat.
Ang industriya ay ganap na naghilahod nang magpatupad ng total fireworks ban ang kasalukuyang administrasyon na nagmistulang hudyat para dumagsa sa bansa ang mga imported na firecrackers.
Pero ayon kay Lacson, kung babaguhin ang sistema para sa mga ito, makakabangon sa pagkahilahod ang naturang industriya.
“Palitan na natin ang kultura na tayo ang gusto magsindi, tayo magtatapon, kaya kung minsan sumasabog sa kamay,” dugtong ni Lacson.
“Huwag tayo mag-i-import galing China. Nandito ‘yan parang cottage industry, gamitin natin ang talent ng ating kababayan para sila ‘yung gumawa ng mga fireworks tuwing bisperas ng Bagong Taon, maski bisperas ng Pasko pwede rin,” paalala pa ni Lacson.
Nakikita rin ni Partido Reporma senatoriable Dra. Minguita Padilla na mas magiging ligtas para sa publiko kapag nabago na ang pamantayan ng paggawa ng fireworks sa bansa.
“Kasi maraming nabubulag, napuputulan ng daliri at kamay dahil sa uncoordinated and indiscriminate use, nakakainis pa sa kapitbahay. So, let’s make it maganda, safe, pero may trabaho pa rin yung mga gumagawa,” ayon kay Dra. Padilla.