HANDA si Partido Reporma presidential candidate at Senador Panfilo Lacson sa anumang debate sa pagitan ng mga tatakbo sa pagkapangulo sa darating na 2022 elections.
Ito ang inihayag ni Lacson kaugnay sa naunang pahayag ng Commission on Elections (Comelec) na plano nitong magsagawa ng three in-person debate para sa mga presidential at vice presidential candidates.
Ayon kay Lacson, payag siya sa debateng gagawin mapa virtual debate man ito o face-to-face, bagaman mas mainam anya kung ang debate ay gagawing pisikal.
“Iba pa rin ang physically engaged ang mga kandidato lalo na sa isang debate na inaabangan ng mga Pilipino para makilatis nila nang husto kung sino ang iboboto nila upang mamuno sa bansa,” pahayag ni Lacson.
Anya pa, makikita rin ng publiko ang demeanor o kilos ng bawat presidential candidate kung magtatalastasan ang mga ito nang harapan.
Gayunman, iginiit ni Lacson na kailangan matiyak na palaging masusunod ang health protocol sa gagawing mga debate upang masiguro ang kaligtasan ng mga kandidato at mga taong kasama sa produksyon ng gagawing programa laban sa coronavirus disease.
Nauna nang inihayag ng Comelec na ilalarga nito ang debate sa pagitan ng mga kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo, ngunit lilimitahan lamang ito sa tatlong kandidato kada programa.
Tanging ang mga kandidato lamang ang maghaharap ng personal habang ang kanilang mga spporters at followers ay hanggang virtual participation lamang.