HINILING ng Department of Interior and Local Government sa Commission on Elections na maglabas na ng guidelines para sa mga political activities ng mga kandidato gayung hindi pa simula ang campaign period.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año dapat tukuyin na ng Comelec kung ano ang papayagan at hindi papayagan na mga political activities ng mga kandidato habang nasa gitna ng pandemya.
“We’re asking the Comelec to say what are the political activities that are allowed and not allowed. We hope it will be definite because there might be similar incidents in the future,” ayon kay Año.
Hiniling ni Año sa Comelec ang paglilinaw upang maiwasan ang insidenteng nangyari nitong Miyerkules sa Quezon City matapos ang isinagawang caravan ng tandem nina dating Senador Bongbong Marcos Jr at Davao City Mayor Sara Duterte sa kahabaan ng Commonwealth avenue na nagdulot ng matinding trapiko at pagbalewala sa health protocol.
Para maiwasan ang mga super spreader incidents, hirit ni Año na dapat suriin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ng Comelec ang mga activities na gagawin ng mga politiko.
Nauna nang nagpaumanhin ang kampo nina Marcos at Duterte sa abala na naidulot ng kanilang caravan.