NANINIWALA ang publiko na pumapabor na si Pangulong Duterte sa kandidatura ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy, na ngayon ay wanted ng FBI dahil sa kasong sex trafficking, sinabi ni Duterte na simple lamang ang pamumuhay ni Marcos.
“May kaunting perang naiwan, na-sequester lahat e, pati iyong sa Switzerland…simple living lang iyan siya,” ani Duterte.
Nagpahiwatig rin siya wala umanong ninakaw na pera mula sa kaban ng bayan ang pamilya ni Marcos.
“Iyong pera ninakaw e hanggang ngayon, wala naman silang nakita. Ito kung maniwala kayo, kung hindi, okay lang,” ayon sa Pangulo.
Kamakailan ay iginiit ni Duterte na wala siyang ieendorso na kandidato sa pagkapangulo.
Noong Nobyembre ay inilarawan niya si Marcos na isang mahinang pinuno.
Sa panayam ng CCN, sinabi ni Duterte na, “Hindi ako bilib sa kanya. He is really a weak leader.”
“Talagang weak kasi spoiled child, only son. He can talk, he delivers English [articulately] pero sabihin mo may crisis ganun, he’s a weak leader at saka may bagahe siya,” dagdag niya.
Samantala, sa nasabing panayam ni Quiboloy ay sinabi ni Duterte na tiyak palalayain ni Vice President Leni Robredo si Sen. Leila de Lima sakaling manalo itong pangulo.
“Kung mananalo si Leni Robredo, pardon diyan si De Lima, pati ‘yung ano. Iyan mamili kayo. Choose,” aniya.
“This is not a plea for Marcos. Pero Marcos, walang… you know. Iyong nakaraan, huwag mong sabihing human rights violation, ako pa siguro dahil nasa trabaho ako,” dagdag pa ng Pangulo.