PINAYAGAN ang detenidong senador na si Leila De Lima na makaboto ngayong araw matapos aprubahan ito ng dalawang regional trial court sa Muntinlupa City.
Inaprubahan ng dalawang korte ang hiling ni De Lima na makaboto sa Parañaque City mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Batay sa Muntinlupa RTC Branch 256, walang mga espesyal na lugar ng botohan na itinatag para sa mga taong deprived of liberty (PDLs) sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, kung saan nakakulong si De Lima.
“After casting her vote, accused De Lima shall be immediately returned by the jail escorts to her detention facility at PNP Custodial Center, Camp Crame,” ayon sa order nito.
Nabanggit din sa kautusan na sinabi ni De Lima sa kanyang kahilingan na sasagutin niya ang lahat ng kinakailangang gastos at gastusin para sa kanyang transportasyon mula sa PNP Custodial Center sa Quezon City hanggang sa Saint Rita College sa Parañaque City.
Ang katulad na order ay inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204.