KINANSELA na ng Commission on Elections (Comelec) ang huling townhall debates nito para sa mga kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo na nakatakda sanang gawin sa Abril 30 at Mayo 1.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na imbes na live debate, panel interview sa magkatandem na lamang ang gagawin.
Ayon pa kay Garcia, ito ang napagkasunduan matapos ang isinagawang pulong sa pagitan ng Comelec at mga kasapi ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas.
“Ito po ay magiging parang personal interview ang dating at may panel and therefore mabibigyan sila ng buong oras upang ipahayag nila o matanong sila patungkol sa kanilang plataporma,” sabi ni Garcia.
Idinagdag ni Garcia na ang Comelec at KBP ang pupunta sa mga kandidato kung saan sila nangangampanya para gawin ang panayam.
“Kung saang area sila, susundan na lang natin sila doon, papadala natin ang pinakamagagaling nating panelist, pwede silang mag-tandem ang kakausapin natin, iinterviewhin natin at ito ay maaaring mailabas sa May 2 to 6. Bibigyan ng isang oras sa buong araw,” ayon pa kay Garcia.
Nauna nang sinuspinde ng Comelec ang nakatakdang debate noong Abril 23 at 24 dahil sa pagkakautang sa Sofitel Hotel kung saan isinagawa ang mga naunang debate.