HANDA na ang Commission on Elections (Comelec) sa gaganaping ikalawang presidential debate ngayong Linggo ng gabi.
Mahigit sa 30 pulis at traffic personnel ang inaasahang ipapakalat sa venue ng debate upang masubaybayan ang sitwasyon ng trapiko sa lugar.
Wala pang kumpirmasyon kung dadalo si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ikalawang Comelec-organized debate, na “PiliPinas Debates 2022.”
Hindi dumalo si Marcos sa unang debate na ginanap noong Marso 19.
Ang siyam na presidential bets na dumalo sa unang debate ay nagkumpirma ng kanilang pagdalo.
Sa pagsisimula ng debate sa Linggo, magkakaroon ng isang pangkalahatang tanong na ibibigay para sagutin ng lahat ng kandidato. Para sa susunod na segment, ang mga kandidato ay papangkatin sa 3, kung saan ang bawat grupo ay bibigyan ng 1 tanong upang magdebate.
Ang siyam na presidential aspirants na inaasahang dadalo sa ikalawang debate ay sina dating Presidential spokesman and Foreign Affairs Usec. Ernesto Abella; labor leader Leody De Guzman; Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso; former Defense Secretary Norberto Gonzales; Senator Panfilo Lacson; Senator Manny Pacquiao; Faisal Mangondato; abogadong si Jose Montemayor Jr. at Vice President Leni Robredo.