HANGGANG ngayon ay wala pa ring final slate para sa 2022 elections si presidential candidate Bongbong Marcos.
Aniya, may inisyal na siyang listahan sa mga senador ngunit hindi pa ito pinal.
Dagdag pa niya, posibleng magkaroon pa ng substitution sa mga kandidato na nasa kanyang listahan bago pa ang deadline sa November 15.
“Kaya siguro… what will really happen is that November 15 eh mafinalize na namin, kasi after November 15, maliwanag na kung sinong kandidato sinong tutuloy at sinong hindi. Yung original kasi namin may mga nilagay kami sa listahan na para sa senador pero yung iba hindi nag-file pero meron namang baka mag substitue pa. Yun nalang ang hinihintay namin,” ayon kay Marcos.
Hindi naman niya pinangalanan ang mga ito.
Wala rin siyang tinukoy kung sino ang magiging vice presidential running mate niya, kung ito ba ay si Davao City Mayor Sara Duterte o sino man.
“I don’t want to preempt kasi siguro mas maganda na buo na. I don’t know kung buo in the sense na magkaka 12 pero yung lahat na para hindi naman ma preempt yung mga iba na hanggang ngaon ay pinag-uusapan pa namin,” pahayag pa ni Marcos.
Sinabi niya na ang orihinal na plano ay dapat si Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang running mate subalit hindi ito naghain ng kandidatura.
Nitong Biyernes, kapwa nasa Cebu City sina Marcos at Sara Duterte.