Bongbong: Bugbog-sarado na ako sa fake news

NANINIWALA si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya at hindi si Vice President Leni Robredo ang totoong biktima ng mga fake news.


Sa isang panayam, ibinasura ni Marcos ang resulta ng pag-aaral ng Tsek.ph, isang fact-checking initiative, na siya ang nakikinabang sa mga fake news na ibinabato kay Robredo.


“I don’t see how that is. Para sa akin, ako ang nabibiktima ng fake news. Dahil ang dami-daming sinasabi sa akin na ‘di naman talaga totoo,” aniya.


“Maraming nagtatanong sa akin tungkol sa aking ama. So sinasagot ko, sasabihin ko ‘alam ko ito ‘yung sa aking pagkaalam, ito ang nangyari diyan at ang dahilan kung bakit yan ang ginawa ng aking ama o kung sinuman sa gobyerno niya dahil ganito, ganyan’,” dagdag niya.


“Pero lagi kong tinatapos ang usapan, na sinasabing ‘pero wag lang kayo makinig sa akin dahil may agenda din ako e. Ama ko ‘yan e, Syempre kakampi ko siya.’ Mag-aral kayo, mag-research kayo ng mabuti, ang daming libro dyan,” hirit pa niya.


Hindi rin umano bilib si Marcos sa mga naglilipana na fact- checkers.


“Merong mga fact-checker pero ‘yung mga fact-checker naman kung minsan ay may sariling agenda. Kaya’t pina-fact-check lang nila ‘yung one side of the story, ‘yung kabila hindi nila ginagawa,” giit ni Marcos.


“Kami biktima kami dyan. Maraming pina-fact-check ako na sinasabi hindi totoo ‘yung sinasabi ko. Wala naman akong sinabing ganun pero fake news daw ‘yung sinabi ko. Wala akong sinabing ganoon. Iniimbento nila ‘yung sinabi ko tapos sasabihing fake,” paliwanag pa niya.