Bayron, anak sasabak sa halalan sa Puerto Princesa; usapin ng political dynasty umigting

PUERTO PRINCESA CITY — Nangangamba ang ilang residente at watchdog groups sa posibilidad ng pagsisimula ng political dynasty sa siyudad sa muling pagtakbo ni Mayor Lucilo Bayron bilang alkalde sa nalalapit na halalan.

Sa Mayo 2025, tatakbo rin ang anak ng alkalde na si City Councilor Judith Raine Bayron sa pagka-vice mayor.

Ayon sa mga kritiko, malinaw na hakbang ito para mas lalo pang pagtibayin ang pamamayani ng pamilya Bayron sa Puerto Princesa.

Bagamat may utos ang Ombudsman noong 2017 na nagdi-dismiss sa kanya sa serbisyo dahil sa grave misconduct at serious dishonesty—kaugnay ng pagkakatalaga sa kanyang anak bilang consultant nang hindi isiniwalat ang kanilang ugnayan—nanatiling nakaupo si Bayron at lalo pang pinatibay ang kanyang impluwensiya sa lokal na pamahalaan.

Bunsod nito, nananawagan si Vice Mayor Nancy Socrates—isang dating kaalyado na ngayon ay kakandidato rin na mayor—ng pagbabago sa liderato.

Ani Socrates, panahon na para sa bagong liderato at mas transparent na pamamahala sa Puerto.

Samantala, itinutulak ng administrasyong Bayron ang mga malalaking proyekto tulad ng planong cable car system, isang dambuhalang planetarium, at ang 680 metrong “Princesa Tower.” Nitong taon lamang ay inilunsad ang 48 bagong proyekto sa ilalim ng programang “Big Bang 2024.”

Habang pinupuri ng kanyang mga tagasuporta ang layunin ni Bayron na gawing “world-class city” ang Puerto Princesa, may mga nagsasabing mas nakatuon ito sa pagpapaganda ng imahe kaysa sa pagtugon sa tunay na pangangailangan ng komunidad.

Sa papalapit na halalan, tanong ng marami: Panahon na ba ng pagbabago, o magpapatuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga Bayron sa kabisera ng Palawan?