TULOY ang laban ng PDP-Laban tandem nina Senador Bato dela Rosa at Bong Go para sa 2022 elections, ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi.
Gayunman, aabangan pa umano nila ang posibleng maganap sa mga susunod na araw o hanggang sa Nobyembre 15, kung saan itinakda ang deadline ng substitution ng mga kandidato.
“Sa ngayon si Bato ang aming pambato, siya ang pambato namin, siya ‘yong aming kandidato sa pagkapangulo. So unless that something happens between now and the 15th, siya po ang aming kandidato for the 2022,” ayon kay Cusi.
“So it is Ba-Go, Bato-Go,” dagdag pa ni Cusi.
Maugong ang balita na magwi-withdraw si Bato sa kanyang kandidatura para magbigay-daan sa anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte. Posible rin anya na magbago rin ang isip ng pangulo.
Kung walang mangyayari sa pagitan ngayon hanggang Nob. 15, tutuloy ang laban ng tandem na Bato at Go.
“Well kung magbabago ang isip ni Pangulong Duterte then we will go back to our plan one, the original plan namin and that will be Bong Go-Duterte. Liwanagin ko lang ah, ‘yon ay in the premise na magbabago ang isipan ni Pangulo, pero nagsabi kasi siya sa ngayon, ayaw niya,” dagdag pa ni Cusi.