ITINANGGI ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na orihinal na mga balota mula sa Maynila ang natagpuan sa Cavite.
Sa isang panayam sa DZMM, iginiit ni Garcia na nasa Manila Treasurer’s Office ang lahat ng balotang ginamit noong May 9.
“Yung Treasurer’s Office alam kung kulang ang ballot box na naideliver sa kanila. Hahanapin nila yun sa electoral board. Wala naman tayong ulat mula sa City of Manila kung kulang ang ballot box na natanggap,” sabi ni Garcia.
Nag-trending sa social media ang mga video at litrato ng mga dokumento at balota na itinapon sa isang bakanteng lote sa Cavite.
Iginiit ni Garcia na pawang mga ginamit ang mga dokumento sa test run ng Comelec para sa eleksyon.
Kasabay nito, tiniyak ng Comelec na pinagpapaliwanag na nito ang
F2 Logistics sa insidente.
Ang F2 Logistics ang opisyal na inatasan ng Comelec para sa pagdedelibdr ng balota, vote-counting machines at iba pang mga suplay na ginamit sa nakaraang halalan.