NAIS munang malaman ng kampo ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung anong format ng debate ang gagawin ng Commission on Elections (Comelec) sa Marso 19, 2022.
Inamin ng campaign manager ni Marcos na si dating Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na sumulat siya sa Comelec para alamin kung ano ang magiging takbo ng debate na inorganisa ng poll body.
Sinulatan din anya niya ang iba pang mga presidential candidates para mapag-usapan nila kung anong format ang gagawing debate.
“Ako yung inutusan ni BBM (Bongbong Marcos)…as the national campaign manager to write a letter sa lahat ng presidentiable, at sa Comelec, na pagusapan ano ang format ng debate para kasi ginagawa sa ibang bansa, partikular sa America, na lahat ng tatakbo roon sa debate ay talagang nagusap-usap,” ani Abalos.
Matatandaan na maliban kay Marcos, lahat ng siyam pang presidential candidates ay dadalo sa nasabing debate ng Comelec.
Nitong Linggo, absent si Marcos sa debate na inorganisa naman ng CNN Philippines.