NGAYON ay alam na ng publiko kung bakit tila naalibadbaran ang komedyanang si Ai Ai dela Alas nang sabihing supporter siya ni Vice President Leni Robredo.
Nitong Biyernes ay inanunsyo ni Ai Ai na sina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio ang kanyang mga kandidato sa May elections.
Isa si Ai Ai sa mga personalidad na lumahok sa miting de avance ng UniTeam para sa mga Overseas Filipino Workers nitong Biyernes.
Ani Ai Ai sa kanyang talumpati:
“Binabati ko po ang lahat ng OFW sa lahat ng sulok ng mundo na ngayon ay nanonood at buong pusong sumusuporta sa tambalang UniTeam BBM at Sara.
“Sana kayo ay nasa mabuting kalagayan, kung saan man po kayo naroroon na nag-e-enjoy sa inyong pagtitipon at sa ating watch parties.
“Ako po ngayon ay naimbitahan upang magbigay po sa inyo ng munting mensahe dahil bukod po sa ako ay tagasuporta ng UniTeam, ako po ay may pusong OFW.
“Paano ko naman ‘yan nasabi? Dahil po tuwing mag-a-abroad ako, magku-concert sa ating mga kapwa Pilipino, nakikita ko po talaga.
“Naiisip ko, ‘Ako nga, e, nalulungkot ako, e, mga three weeks o isang buwan akong nawawalay sa pamilya ko, paano pa kaya ang mga OFW natin na dalawa hanggang limang taon silang nawawalay sa kanilang pamilya?
“Kaya ako po, alam ko po ang inyong pakiramdam kung gaano ba kalungkot na mawalay sa ating pamilya para mabigyan lang sila ng magandang kinabukasan.
“Kaya po kung tayo man ay malayo sa ating pamilya, at tayo man ay nasa ibang bansa at kung saan mang sulok ng mundo, sana ay huwag po nating kalimutan ang mensahe na tayo ay magkaisa.
“Tayo ay Pilipino, taas-noo kahit kanino. Maraming-maraming salamat po. Ito po si Ai Ai delas Alas para sa UniTeam.”
Ilang linggo na ang nakararaan nang itanggi niya na isa siyang kakampink.
“Utang na loob nanahimik ako wag nyo akong masali sali sa mga ganito. Tahimik buhay ko. Lahat na lang. Huy!!!!” aniya.
“Tanging ina ka kung sino ka man na gumagawa ng mga ganitong ka cheapan. Pls hindi po ako VP Leni supporter,” giit ng komedyana.