UMABOT na sa 31 percent ng 1,627,215 registered overseas voters ang nakaboto, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.
Sa datos na inilabas ni Commissioner George Garcia, umabot na sa 526,972 Pinoy sa overseas ang nakaboto na.
Sa tala, 202,109 ang galing sa Middle East at Africa habang 178,656 naman ang mula sa Asia-Pacific; 94,395 naman mula sa North at South America; at 51,792 sa Europe.
Ayon kay Garcia, ang voters’ turnout noong 2016 election ay nasa 32 percent.
Dahil dito, umaasa si Garcia na mas mataas ang magiging turnout ng mga botante mula sa overseas bukas.
“For 2022, we expect higher turnout,” ani Garcia. Inaasahan na aabot sa 580,212 overseas voters ang boboto ngayong 2022 elections.
Nagsimula ang overseas voting noong Abril 10 at magtatapos sa Mayo 9.