PAPAYAGAN ang mga walk-in sa isasagawang tatlong araw na National Vaccination Day simula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa panayam ng dzMM Lunes ng umaga.
Base na rin anya ito sa layunin ng pamahalaan na makumbinsi ang mga hindi pa bakunado na magpunta sa mga vaccination centers at magpabakuna na.
“Maaari na pong walk in hindi na po kailangan ng registration. Kung sino po ang nasa eligible population natin, pupwede na po silang pumunta sa ating vaccination areas,” sabi ni Vergeire.
Idinagdag ni Vergeire na target ng pamahalaan na mabakunahan ang 15 milyong Pinoy sa tatlong araw na kampanya.
“Kaya natin ito ginagawa para maitaas pa natin ang fully vaccinated sa bansa bago man lang mag-Pasko, mag-holiday season and our real target are not yet vaccinated,” dagdag ni Vergeire.