PINAGSUSUMITE ng Department of Interior and Local Government ang lahat ng local government units na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ng kani-kanilang mga vaccination masterlist.
Ayon sa isang kalatas, dapat magsumite ang mga LGUs mula sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ng listahan ng kanilang vaccination program, partikular na ng mga senior citizen, indigent at informal settler, sa pamamagitan ng Vaccine Management System-Immunization Registry (VIMS-IR).
Kinakailangan umano ang listahan na ito na siyang titiyak na pawang mga kwalipikadong mamamayan na dapat maunang mabakunahan, ayon kay Interior Undersecretary and Officer-in-Charge Bernardo C. Florece, Jr.
“It is imperative that the LGUs of NCR, Regions 3, 4-A, and 6 are on board with the registration of vaccine recipients especially the senior citizens and indigents within their jurisdiction. We direct them to use VIMS-IR in doing so as this is the system devised by the government for this specific purpose,” ayon kay Florece.
“Hangad namin ang pakikiisa ng mga pamahalaang lokal, hindi lamang sa paggamit ng VIRM-IR, lalong-lalo na ang pagtatala o pagrehistro ng kanilang mga kababayang prayoridad sa pagbabakuna,” dagdag pa nito.
Malaking tulong anya ang VIMS-IR para higit na mapabilis at maisaayos ang proseso ng pagbabakuna sa grassroots level.
“This may just be a simple list for some ngunit napakahalaga nito sa pagpapanatili ng maayos na sistema ng pagbabakuna sa bansa,” dagdap pa ng opisyal.